LA UNION – Muling pinarangalan at pinasalamatan ng Philippine Red Cross (PRC)-La Union Chapter ang Bombo Radyo La Union dahil sa proyektong Dugong Bombo: A little pain, a life to gain, na taunang proyekto ng Bombo Radyo Philippines sa buong bansa.
Sa isinagawang Awarding and Recognition ceremony ng PRC sa provincial capitol sa San Fernando City kahapon, Hulyo 23, tinanggap ng Bombo Radyo La Union ang Certificate of Recognition mula kay PRC director for national blood services Christie Monina Nalupta, na naging pangunahing pandangal sa programa.
Ang nasabing seremonya ay isa sa mga tampok na programa sa selebrasyon ng PRC na National Blood Donors Month ngayong buwan ng Hulyo.
Para kay PRC-La Union Chapter Administrator Almira Abrasado, ang blood letting program na Dugong Bombo ang siya pa ring pinakamalaking voluntary blood donor services sa buong bansa.
Kasabay ng pagpaparangal sa Bombo Radyo at iba pang indibidwal, grupo, district hospitals, mga eskuwelahan, barangay, institusyon, at ahensiya ng gobyerno, inihayag ni Abrasado ang muling pagsuporta sa Dugong Bombo sa November 2019 sa pamamagitan ng pag-donate ng dugo.
Ang tema ng National Blood Donors Month ng PRC ngayong taon ay Safe Blood for All: Donate Blood, Save Lives.