ROXAS CITY – Labis ang kasiyahan na nararamdaman ngayon ng isang 10-anyos na batang lalaki matapos na nakatanggap ng maraming tulong mula sa mga netizens sa pamamagitan ng Bombo Radyo.
Ito’y matapos na-ipost sa social media ang kwento ng buhay ni Khael Anoche ng Barangay Yabton, Ivisan, Capiz kung saan nakita ng mga netizens ang sitwasyon nito.
Nabatid na sa murang edad ay nagbebenta na ito ng niyog sa halagang limang piso.
Sa interview ng Bombo Radyo Roxas kay Khael sinabi nito na siyam na taong gulang pa lamang siya ay iniwan na ito kanyang ina sa kanyang ama na ngayon ay nagtatrabaho bilang construction worker at siyang bumubuhay sa kanya.
Dahil sa hirap ng buhay nagdesisyon itong magbenta ng niyog at nilalakad niya lamang ito papunta sa kabilang bayan para lamang may pambili ng bigas.
Aniya na inaatake rin ito minsan ng epilepsy sa oras na malipasan ito ng gutom.
Samantala, nagpapasalamat naman ito sa mga netizens at sa Bombo Radyo na naging susi upang mabigyan ito ng tulong.
Nabatid na nakatanggap ito ng isang karton na mga grocery items, bigas at pera mula sa mga tao.