-- Advertisements --

ROXAS CITY – Napuno ng emosyon ang female medical ward ng Roxas Memorial Provincial Hospital matapos mabigyan ng katuparan ang matagal na pangarap na makasal ng isang mister na PWD at asawang may stage 4 cancer.

Naging saksi sa pag-iisang dibdib nina Eddy Sarad 53-anyos at Gloria Pacarya-Sarad 55-anyos, ang mga personnel ng Bombo Radyo na nagsilbing ninong sa kasal kabilang na ang mga nurses at doktor sa nasabing ospital.

Hindi naiwasan na tumulo ang luha ng mga sumaksi sa seremonya na pinangunhan ni Reverend Father Milwaulk Anthony Navarrosa, dahil sa nakita nilang labis na kaligayahan sa mukha ng mag-asawa habang isinasagawa ang kasal sa loob mismo ng ospital kung saan nakaratay si Gloria.

Ayon kay Eddy na sa loob ng 14 na taon nilang pagsasama ay hindi nawala sa kanyang puso ang pangarap na mapakasalan ang asawa.

Pinasalamatan rin nito ang asawa dahil tinanggap siya sa kabila ng kanyang kapansanan.

Nangako rin si Eddy sa harap ng mga sumaksi sa kanilang kasal ni Gloria na iibigin niya itong hanggang kamatayan.