-- Advertisements --

Opisyal nang kinilala ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) ang Bombo Radyo Philippines bilang isa sa kanilang mga media partners para sa nalalapit na 2019 SEA Games.

Dumalo sa seremonyang ginanap sa isang malaking hotel sa Clark, Pampanga ang Vice President ng Bombo Radyo na si Herman Basbaño, at Assistant Vice President Jenil Demorito.

Pinangunahan naman ni House Speaker at Phisgoc chairman Alan Peter Cayetano ang okasyon.

Matapos ang pirmahan ng kontrata ay binigyan din sina Bombo Herman at Bombo Jenil ng jacket ng SEA Games, na karaniwang ginagawa sa mga sponsors at partners.

Sinabi ni Cayetano na malaki raw ang kanyang pasasalamat sa mga sponsors at media partners upang masiguro ang matagumpay na pag-host ng bansa sa SEA Games sa Nobyembre.

Tiniyak din ni Cayetano na gagawin nila ang lahat para ibigay din ang best SEA Games sa kasaysayan.

Nabatid na ang Bombo Radyo lamang ang radio network sa mga media partners ng Phisgoc.