Lubos ang pasasalamat ng pamunuan ng Bombo Radyo Philippines sa pagkakahirang sa Network bilang isa sa mga official media partners ng papalapit na 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Kahapon nang pormal nang kilalanin ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) ang Bombo Radyo bilang isa sa kanilang mga katuwang para sa pagpapabatid sa publiko ng hosting ng bansa sa regional sports meet.
Sinabi ni Bombo Radyo Vice President Herman Basbaño, ikinararangal ng Network na mabigyan ng pagkakataon na makapag-cover ng isang napakalaking sporting event.
Kaya naman, sinabi ni Bombo Herman na gagawin ng Bombo Radyo at Star FM ang kanilang parte para maibigay sa mga mamamayan ang pinakahuling mga updates kaugnay sa SEA Games na magbubukas na sa Nobyembre.
Sinabi ni House speaker at Phisgoc chairman Alan Peter Cayetano na malaki raw ang kanyang pasasalamat sa mga sponsors at media partners upang masiguro ang matagumpay na SEA Games hosting ng bansa.
Siniguro naman ni Cayetano na ibibigay nila ang lahat ng kanilang makakaya upang maabot ang target na best SEA Games sa kasaysayan.
Nabatid na ang Bombo Radyo lamang ang radio network sa mga media partners ng Phisgoc.