Muli na namang pinatunayan ng marami nating mga kababayan ang bayanihan spirit sa pamamagitan nang pakikibahagi sa isa na namang matagumpay na Dugong Bombo 2019 ng Bombo Radyo Philippines.
Sinagot ng ating mga blood donors ang panawagan ng mga Bombo Radyo at Star FM stations nationwide ang boluntaryong pagsagot sa pangangailangan ng dugo sa panahong ito na kulang ang suplay.
Bahagi ito ng pangarap ni Dr. Rogelio M. Florete, ang Chairman of the Board of Bombo Radyo Philippines, na muling mapukaw ang “spirit of volunteerism” sa ating mga kababayan upang makatulong na dugtungan ang buhay ng ibang nangangailangan.
Ilang lugar sa bansa ang hindi inalinta ang sama ng lagay ng panahon, mahabang biyahe, mahabang pila at takot ng nararanasang mga aftershocks sa ilang bahagi ng Mindanao para lamang magbigay donasyon sa kanilang dugo.
Ang taunang Dugong Bombo 2019 ay muling isinagawa ng sabay-sabay sa 24 key cities nationwide na merong mga himpilan ng Bombo Radyo at Star FM.
Umabot sa kabuuang 9,190 indibidwal o blood donors ang boluntaryong nakibahagi sa pinakamadugong blood letting activity na kaagay ang Philippine Red Cross.
Ang donasyong dugo na nalikom sa proyektong ito ay ilalaan para sa mga biktima ng dengue, kidney failures, biktima ng sari-saring kalamidad at maging sa emergency blood transfusion at procedures sa mga pagamutan.
Kadalasan kasi ang tinaguriang “ber” months ang siyang itinuturing na kulang ang blood donations.
Umabot sa kabuuang 9,190 successful blood donors ang buluntaryong nagbigay ng kani-kanilang mga dugo para sa Dugong Bombo bloodletting project.
Ang nasabing bilang ng mga successful blood donors ay katumbas ng 4,135,500 million cc ng dugo.
Ang 4,135,500 million cc ay kasingdami ng 4,135.50 litro ng dugo o umaabot sa 1,092.48 gallons (4 liters per gallon) o katumbas ito ng kabuuang 19.86 drums ng dugo na natipon. (standard drum is 200 liters).
Gayunman ang naturang data ay hindi pa pinal dahil ang Bombo Radyo Cauayan ay pansamantala munang ipinagpaliban ang Dugong Bombo nitong araw ng Sabado at gaganapin ito sa susunod na linggo dahil na rin sa bagyong Ramon kung saan ang mga venues ay ginamit bilang evacuation centers.
Muli ang taus puso naming pasasalamat sa mga successful blood donors, sumasaludo po kami sa pagiging bayani ninyo!
Marami pang mga blood donors ang nakibahagi pero hindi pumasa sa pre-screening requirements dahil sa isyu ng blood pressure, anemia, alcohol intake, tattoo o iba pang mga kadahilan. Sa kabila nito, itinuring pa rin naming bayani kayo dahil sa bukal sa puso ninyo na mag-volunteer.
Inuulit din namin ang pasasalamat sa lahat ng bumubuo ng Philippine Red Cross nationwide, DOH, mga volunteers, partners, marami pang mga grupo, mga namamahala sa mga venue, at mga donors ng snacks.
Ang Dugong Bombo ay isa lamang sa maraming mga proyekto ng Bombo Radyo Philippines na may corporate social-cultural responsibility. Ang iba pa sa mga ito ay ang taunang Bombo Medico, nandiyan din ang Bombo Music Festival na naglalayong makatulong sa paglinang sa mga talento ng mga Pinoy.
Dugong Bombo 2019…A Little Pain…A Life to Gain… Basta Radyo… Bombo!