-- Advertisements --
Lourdes Clarite, ina ng OFW

ROXAS CITY – Labis na nagpapasalamat ang isang ina sa Bombo Radyo dahil sa naging tulong nito upang ma-rescue ang kaniyang anak na minamaltrato at binabastos ng kaniyang employer sa Kuwait.

Ayon kay Lourdes Clarite ng Barangay Cabugao, Ivisan para umano siyang nabunutan ng tinik matapos makausap ang kaniyang anak na si Alora Clarite na pinagmamalupitan ng kaniyang lalaking amo.

Nabatid na maliban sa pananakit ng kaniyang amo ay hinihipuan pa umano sina Alora at isang kasamahan nito na kinilalang si Lolita Madriaga na tubong Subic, Zambales.

Naglakas loob lamang ang dalawa matapos pagtangkaang gahasain ng kanilang amo si Madriaga kung kaya’t kumaripas sila ng takbo at nagkulong sa kuwarto hanggang sa dumating ang kanilang among babae.

Sa tulong ng Bombo Radyo, kaagad na nalaman ng mga kinauukulan ang sitwasyon ng dalawang Pinay kung kaya’t kaagad silang nai-rescue ng kani-kanilang agencies.