GENERAL SANTOS CITY – Lubos pinasalamatan ni Dr. Efraim Marin, city veterinary office na katuwang ang Bombo Radyo sa information dissemination sa epekto ng African swine fever (ASF) sa hog industry sa lungsod.
Malaki umanong tulong ang naiambag ng Bombo Radyo dahil hindi naman kaya ng mga opisyal ang agad na pagpunta sa mga bara-barangay subalit sa isang bigkas lamang marami na ang naaabutan ng impormasyon.
Dagdag pa ng opisyal, ang pagpapasok ng kahit isang kilo ng karne na apektado ng ASF galing sa Don Marcelino, Davao Occidental ay kaagad delikado sa buong industriya.
Inamin din nito na nahihirapan ngayon ang mga negosyante sa paghanap ng bagong market matapos isinara ang mga daan papuntang Tacloban, Leyte, Cebu ang ibang lugar sa Visayas na kumukuha ng karne sa lungsod.
Nananawagan din ito sa Department of Interior and Local Government (DILG) kasama ang Department of Agriculture (DA) para magpatawag ng dialogue kasama ang mga governor na nag-lock down para ipatupad ang “fast thru” para hindi mamatay ang hog industry.
Nalaman na ang hog industry sa General Santos City ang pangatlo na pinakamalaki sa buong bansa sunod sa Batangas at CALABARZON area.