Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa taumbayan na ipagdasal ang kalagayan ngayon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kanina, kinumpirma ng Malacañang na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay inaresto batay sa warrant for crimes against humanity ng international criminal court.
Hiniling ni Go sa mga Pilipino na ipagdasal ang dating pangulo na maayos ang kanyang kalagayan at kalusugan.
Ayon pa sa senador, hindi na rin na-check up ang dating pangulo ng kanyang mga doktor matapos na dalhin si Duterte sa Villamor Airbase.
Sa katunayan aniya ay kagabi ay iniinda na ni Duterte ang masakit niyang likod dahilan kaya ang senador at ang personal physician ng dating pangulo ang nagpunta kanina sa NAIA terminal 3 upang masuri ang kalagayan nito.
Kinumpirma ng senador na bukas ay may regular check up si Duterte sa Cardinal Santos Hospital.
Gayunpaman, hindi pinapasok ng mga nagbabantay na security personnel ng paliparan sina Go at ang doktor sa Terminal 3 para sana ma-check si Duterte.
Ayon pa kay Go, kasama ni dating Pangulo Duterte ngayon ang kanyang common-law-wife na si Honeylet, ang anak na Kitty, dating Executive Secretary Salvador Medialdea at isang nurse ng dating Pangulo.