-- Advertisements --

Asahan na umano ang mas makulay na mga aktibidad sa mga susunod na taon para sa selebrasyon ng kaarawan ni Gat Andres Bonifacio.

Ito ang ibinahagi sa Bombo Radyo ni National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Historical Sites Development Officer II Eufemio Agbayani III, kasunod ng lumalawak na interes ng mga tao ukol sa mga nagawa at ambag sa lipunan ng tinaguriang supremo ng katipunan na si Bonifacio.

Nabatid na karamihan sa mga programa at pagkilala sa ama ng katipunan ay idinaraos lamang sa Luzon tuwing ganitong okasyon.

Pero may mga rebulto rin naman sa Visayas at Mindanao na pagkilala kay Bonifacio ngunit hindi ito kasing dami ng mga nasa Greater Manila Area.

Welcome naman para sa NHCP ang mga organisasyon, ahensya at iba pa na gustong tumulong sa pagpapalaganap ng kamalayan ukol sa mga makasaysayang pangyayari sa ating bansa.

Ang mahalaga umano ay matiyak na naipapakalat ang tama at makabuluhang mga tala ng ating bansa, alinsunod sa mga panuntunang legal at akademiko.