BOMBO DAGUPAN – Itinanghal ang Bonuan Boquig National High School (BBNHS) bilang bahagi ng top 3 finalist sa world’s best school, environmental action.
Mula sa 1,000 entries sa buong mundo, unang napabilang sa Top 10 Shortlisted World’s Best School for Environmental Action ang Bonuan Boquig National High School at isa sa tatlong paaralan sa buong Pilipinas na nakapasok sa World’s Best School.
Ang programang “Ilog ko, Aroen ko” Adopt a River Project ang naging entry ng BBNHS sa kompetisyon at patuloy na umaani ng pagkilala hindi lamang sa bansa kundi maging worldwide.
Ayon kay Renato Santillan ang Principal III ng Bonuan Boquig National High School ay hindi maipaliwanag ang kanilang nararamdaman marahil pagkatapos ng maraming pinagdaanan at mahabang proseso ay napili nga ang paaralan hindi lamang sa top 10 kundi ang mapabilang na rin bilang top 3 finalist sa world’s best school.
Dagdag pa niya na malaki ang nakukuhang suporta ng paaralan lalong lalo na sa kanilang mga estudyante, at mga guro gayundin ang suporta na nagmula sa Deped central at sa syudad ng Dagupan ito ay sa pangunguna ni Mayor Belen Fernandez.
Samantala, ibinahagi rin ni Santillan ang buong detalye at impormasyon kung paano makakapagboto na ayun sa kanya ang isang email ay katumbas ng isang boto.
Kaya naman hinihikayat ng principal na ang lahat na suportahan at iboto ang kanilang paaralan upang maipagpatuloy pa ang layunin na pangalagaan ang kalikasan gayundin ang mga itinanim nilang bakawan at mas dumami pa ito.
Nagpasalamat din naman si Santillan sa lahat ng naging bahagi at tumulong upang maging matagumpay ang kanilang isinagawang proyekto.