-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Hindi pa malinaw kung matatanggap ba ng tuluyan ng mga empleyado ng City Government ng Kidapawan ang kani-kanilang Christmas bonuses matapos ang isinagawang Special Session ng Sangguniang Panlungsod.

Ito ay matapos tumangging magbigay ng kasagutan si Vice Mayor Jivy Roe Bombeo sa usapin ng ‘transmittal’ ng pag-aapruba ng Supplemental Number 6 na nagkakahalaga ng mahigit sa P82 million.

Nakasaad kasi sa batas partikular na sa Local Government Code ang paglalabas ng transmittal dahil ito ang pagbabasehan ni City Mayor Joseph Evangelista na pirmahan ang Supplemental Budget na siya namang naglalaman ng bonuses.

Hindi makukunsiderang valid ang Supplemental Budget sa pagtakbo ng panahon kahit walang pirma ng Mayor kung wala namang transmittal na obligasyong ilabas ng Vice Mayor.

Matatandaang hiniling ni Mayor Evangelista ang pagpapasa ng Supplemental Budget number 6 na naglalaman ng mga bonuses ng lahat ng empleyado, kawani ng City Government, barangay workers, medical frontliners at iba pa na kasaling mabibigyan nito, kasama na ang pasweldo at benepisyo ng mga doktor, nurses at medical front liners para sa buwan ng Nobyembre at Disyembre 2021, pati na ang mga nalalabi pang mga bayarin ng City Government na kinakailangang mabayaran bago matapos ang 2021.

Nais namang makatiyak ng mga konsehal na talagang ibibigay ang benepisyo ng mga empleyado kaya natanong si Bombeo kung maglalabas ba siya ng transmittal dito.

Maliban sa approval, kinakailangan din ang transmittal para patunay na ang nabanggit na dokumento ay manggagaling mismo sa opisina ni Bombeo.

Lumalabas na moro-moro lang ang pag-aapruba ni Bombeo ng Supplemental Budget gayung wala namang tugon kung maglalabas ba ng transmittal ang Bise Alkalde para ibigay ito, ayon sa ilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod.

Lubos na ikinadismaya ng mga empleyado ang kawalan ng katiyakan ng pagbibigay ng bonuses lalo pa at marami sa kanila ang lumabas pa ng opisina at nagtyagang nakinig at nanuod sa special session sa giant screen na inilagay ng City Government sa harap ng City hall.

Nasa P30,000 ang matatanggap na bonus ng mga regular at casual employees, samantalang P10,000 naman ang mga job order workers.

Matatandaang ilang beses na ring tinanggihan ni Bombeo ang pagsasagawa ng special session para sa pag-aapruba ng mga naunang Supplemental Budget.

Napressure diumano ang Vice Mayor sa panawagan ng mga empleyado kung kaya’t ginawa ang Special Session ngunit wala din namang napala ang lahat matapos nga na ayaw sagutin ni Bombeo ang isyu ng pagbibigay ng transmittal para sa pag—apruba ng SB number 6.

Agad inadjourn ng bise alkalde ang special session kahit walang malinaw na kasagutan kung ibibigay ba ang bonuses ng mga empleyado.

Kasalukuyang nagpa-plano ang mga miyembro ng SP kung papaano reresolbahin ang isyu gayung papalapit na ang pagtatapos ng taon.

Ngunit nilinaw ni Vice-Mayor Bombeo na ngayong araw ay nakatakda niyang ipadala ang transmittal sa tanggapan ng alkalde.