BOSTON – Umiskor ng 70 points si Devin Booker para sa Phoenix Suns pero talo pa rin sila ng Boston Celtics, 120-130.
Dahil sa record na nagawa ni Booker, siya ang ika-anim sa kasaysayan ng NBA na nagtala ng mataas na iskor tulad ng basketball legends na sina Wilt Chamberlain, Kobe Bryant, David Thompson, David Robinson at Elgin Baylor na nabibilang sa NBA’s 70-point scorers.
Sa pagtatapos pa lamang ng half time ay nakaabot na sa 51 points ang nagagawa ni Booker na ikinabilib maging ng mga kalabang mga players at mismong mga fans ng Boston.
Pero nasayang lamang ang nagawa ng 20-anyos na si Booker dahil eliminated na sa playoff ang Phoenix (22-51).
Halos walong players na lamang ang natira sa kanila dahil sa mga injuries at ang iba naman ay mga bagito pa sa NBA.
Sa panig ng Boston (47-26) umiskor ng 34 points si Isaiah Thomas para sa kanilang ikatlong sunod na panalo.
Liban dito, nakaganti na rin ang Celtics sa kanilang naranasang buzzer-beater loss sa kamay ng Phoenix nitong unang bahagi ng kasalukuyang buwan.
Samantala bago ang laro nitong araw, hawak ni Booker ang dating career best niya na 39 points na tatlong beses niyang nagawa.