Ikinokonsidera ng pamahalaan na maisama ang booster dose na requirement para maituring ang isang indibidwal bilang fully vaccinated kontra COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).
Ayon sa Department of Health (DOH) undersecretary at National Vaccination operations Center (NVOC) chairperson na si Dr. Myrna Cabotaje, base sa depinisyon ng World Health Organization (WHO) na ang terminong “fully vaccinated” ay tumutukoy sa mga tapos na sa primary vaccine series.
Pero sa ngayon, tinatalakay na aniya ng mga local officials kung posible bang maisama ang booster dose bilang isa sa mga requirement para sa mga fully vaccinated na para mas mahikayat ang marami pang tao na magpaturok na rin ng kanilang third dose o booster jabs.
Sinabi ni presidential adviser for entrepreneurship Joey Concepcion noong nakaraang linggo na ang terminong “fully vaccinated” ay maaring bigyan ng bagong depenisyon para masakop din dito ang mga nakatanggap na ng kanilang booster shot.
Pero ang proposal niyang ito ay ni-rebuff naman ng mga eksperto, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Hindi aniya tama na gawin ito lalo pa at hindi naman binago ng Centers for Disease Control and Prevention ang kanilang kahulugan sa “fully vaccinated” na termino.