Maaaring muling tumaas nang mabilis ang mga kaso ng COVID-19 kung hindi matuturukan ng booster shot ang mga Pilipino ito’y ayon sa OCTA Research Group.
Inihalimbawa ni OCTA Research fellow Guido David ang naranasan ng ibang mga bansa na muling tumaas ang mga kaso dahil nabawasan na ang bisa ng COVID-19 vaccines.
Dagdag pa nito na kailangan talaga na maturukan ng booster shots ang mga health workers, senior citizens, at individuals with comorbidities.
Ayon kay David maaaring mapigilan ang COVID-19 surge kapag maiturok na ngayong taon o sa susunod na taon ang booster shots.
Hindi magiging isyu ang supply ng bakuna dahil inaasahan ng bansa na makatanggap ng malaking delivery ng mga bakuna sa mga darating na buwan.
Nauna nang nilalayon ng gobyerno na maglunsad ng COVID-19 booster shots at ikatlong dosis sa Nobyembre 15, ayon naman kay vaccine czar Carlito Galvez Jr.
Sinabi rin niya na ang mga bakunang COVID-19 na dumating sa bansa simula Nobyembre 3 ay gagamitin bilang booster shot para sa unang bahagi ng susunod na taon.