Inilunsad ng gobyerno ang ceremonial inoculation ng fully-vaccinated senior citizens at immunocompromised na indibidwal na may mga booster shot laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Calabarzon.
Sa ceremonial vaccination sa Batangas City Capitol Compound, idiniin ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. ang kahalagahan ng pagbabakuna sa mga indibidwal sa Calabarzon.
Aniya, layunin ng pamahalaan na maitaas ang antas ng vaccination sa Region IV-A lalong lalo na sa Batangas dahil mas marami nang nabakunahan sa Metro Manila.
Sinabi ni Galvez na hindi masisiguro ang kaligtasan sa National Capital Region laban sa COVID-19 kung hindi mabakunahan ang mga residente sa Calabarzon at Mimaropa.
Umapela rin siya sa lahat ng mga stakeholders, sa mga pulis na magtulungan sa mga inventories at deployment ng bakuna.
Samantala, hinimok ni Health Secretary Francisco Duque III ang publiko na maging bukas sa lahat ng brands ng bakuna.
Hinikayat din niya ang publiko na sundin ang public minimum health standards.
Dumalo rin sa kaganapan si NTF COVID-19 deputy chief implementer Vince Dizon.
Sinimulan ng Pilipinas ang inoculation ng mga senior citizen sa pamamagitan ng boosters shots noong Lunes.