Tiniyak ng Bureau of Quarantine (BOQ) na hindi makakadagdag sa kasalukuyang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ang pagluluwag as restriksyon sa mga indibidwal na dumadating sa bansa.
Ito ay matapos na magalabas ng panibagong alituntunin ang mga kinauukulan kung saan ay papahintulutan nang makapasok sa bansa ang mga indibidwal na magmumula sa mga bansang kabilang sa red list.
Sinabi ni BOQ Senior Medical Officer Dr. Neptali Labasan na mahigpit na pinag-aralan ng mga technical advisory group, at COVID-19 surveillance and quick action unit ng Department of Health (DOH) ang current evidence at risk and benefit ratio ng naturang polisiya.
Bukod dito ay binaba rin aniya sa 48 hours mula sa dating 72 hours ang turnaround-time ng paglalabas ng resulta ng mga RT-PCR test ng mga indibidwal na mula sa red list countries na babalik sa bansa.
May mga nakapaskil na rin aniya na mga posters ng polisya sa mga paliparan para sa arrival ng mga kababayan nating mula sa nasabing mga bansa.
Samantala, nakatakdang puntahan ng mga kawani ng BOQ ang mga maitatalang nagpositibo sa COVID-19 at dadalhin aniya ang mga ito sa isang treatment facility na nasa ilalim mismo ng pangangalaga ng bureau.
Target din aniya ng kanilang kagawaran na kumuha ng mga karagdagang kawani upang lalong masiguro na mahigpit na maipatutupad ang seguridad dito.