KALIBO, Aklan—Bumuo ang Police Regional Office 6 (PRO6) ng isang grupo na tututok sa monitoring at pagsugpo sa mga grupong sangkot sa ilegal na droga at iba pang krimen sa isla ng Boracay.
Una rito, pinangunahan ni PRO6 Director Brig. Gen. Jack Wanky ang send-off ceremony ng bagong tatag na Boracay Anti-Vice Unit na ginanap sa Aklan Police Provincial Office sa Camp Pastor Martelino sa bayan ng Kalibo, Aklan kung saan, layunin nito na mapalakas pa ang police visibility sa mga strategic areas sa isla.
Ang nasabing yunit ay kinabibilangan ng 22 miyembro ng PNP personnel na mangangalap ng mga ebidensya at magsasagawa ng masusing paniniktik laban sa kriminalidad gayundin upang mapalakas pa ang puwersa ng Malay Municipal Police Station hindi lamang sa Boracay kundi maging sa mainland Malay, Aklan.
Binigyang-diin ni P/Brig.Gen. Wanky na ang nasabing yunit ay makakatulong sa pagsugpo sa paglaganap ng iba’t ibang ilegal na aktibidad lalo na’t inaasahan ang malaking bilang ng mga turista na magpapalipas ng Semana Santa sa Boracay.
Samantala, nakatutok naman ang lokal na pulisya sa seguridad sa pamamagitan ng pinalakas na pagpapatrolya partikular sa mga mataong lugar lalo na’t libo-libong mga turista ang pumapasok sa Boracay bawat araw.
Dagdag pa ni P/Brig.Gen. Wanky na layunin ng proactive at strategic response ay upang matiyak ang kaligtasan ng mga turista at mapanatili ang Boracay bilang premier tourist destination.
Matatandaan na nabalot ng kontrobersiya kamakailan lamang ang Boracay kasunod sa karumaldumal na pagpatay sa 23-anyos na Slovak tourist na si Michaela Mickova na natagpuan na lamang sa abandonadong chapel sa kalunos-lunos na kalagayan.