KALIBO, Aklan – Ipinag-utos na ng alkalde ng Malay, Aklan ang pansamantalang pag-ban sa mga local at foreign tourist na makapasok sa bayan at maging sa isla ng Boracay.
Batay sa Executive Order No. 04 series of 2020 na nilagdaan ni acting Mayor Frolibar Bautista, mahigpit na ipinagbabawal na makapasok sa nasabing bayan at sa isla ang lahat na may travel history mula sa China, Macau at Hong Kong sa nakalipas na 14 na araw.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Madel Joy Tayco ng local government unit (LGU) Malay na bahagi ito ng kanilang precautionary measure sa binabantayang 2019 novel coronavirus acute respiratory disease.
Kabilang dito ang mga Filipino at dayuhang turista na may balak na sa isla ipagdiwang ang araw ng mga puso.
Upang higit na mabantayan ang mga pumapasok sa tanyag na isla, may itinakdang border patrol sa lahat ng entry point na siyang susuri sa travel history ng mga bisita at bakasyunista.
Ang nasabing hakbang ay kasunod na rin sa rekomendasyon ng binuong Inter-Agency Task Force Against 2019 Novel Coronavirus.
Sa kabila nito, wala aniyang dapat na ikabahala ang mga residente at turistang nasa isla dahil wala pang kumpirmadong kaso ng nCov sa isla at maging sa buong lalawigan ng Aklan.
Nabatid na halos 429 Chinese tourists ang kasalukuyan ding mino-monitor ng lokal na pamahalaan dahil sa pagkaroon ng mga ito ng travel history sa mainland China.