-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Muling binuksan ang isla ng Boracay sa mga turistang mula sa National Capital Region, Bulacan, Cavite, Rizal, at Laguna o NCR Plus.

Ito ay makaraang payagan na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na makabiyahe ang mga mamamayan mula sa NCR Plus patungo sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) simulang ngayong araw ng Martes hanggang Hunyo 15.

Umaasa si Malay Tourism Officer Felix delos Santos na magiging tuloy-tuloy na ang pagdating ng mga turista sa oras na tuluyang isailalim ang lugar sa GCQ pagkatapos ng Hunyo 15.

Samantala, nagpaalala naman ito sa mga turista na makipag-ugnayan muna sa kanilang airline companies bago bumiyahe.

Dagdag pa ni delos Santos, walang pagbabago sa mga ipinapatupad na patakaran para sa mga turistang interesadong mag bakasyon sa Boracay.

Batay sa entry protocols para sa mga leisure travelers, kailangang makapag-presenta ng valid government ID at anuman sa saliva o swab na negative RT-PCR test result, 72 oras bago ang pagbiyahe; hotel reservation mula sa DOT accredited establishment; detalye ng biyahe; SPass at kumuha ng Online Health Declaration Card isang araw bago ang biyahe sa pamamagitan ng touristboracay.com.