-- Advertisements --
boracay police tourists

KALIBO, Aklan – Ipinag-utos ng Civil Aeronautics Board (CAB) sa lahat ng international at local airline companies na nag-ooperate sa Kalibo at Caticlan Airport na panatilihin ang pag-monitor sa bookings ng mga pasaherong pumupunta sa isla ng Boracay.

Kasunod ito sa mahigpit na pagpapanatili sa carrying capacity na 19,215 bawat araw kabilang na ang 6,405 na tourist arrival bawat araw.

Ang direktiba ni CAB Executive Director Carmelo Arcilla ay applicable sa mga scheduled, non-schedules, local at international flights sa Roxas Airport sa Roxas City, Capiz at sa Iloilo International Airport sa Iloilo City na ikinokonsiderang daanan din ng mga pasahero na gustong mamasyal sa Boracay.

Iginiit ni Arcilla na ang lahat ng mga airline companies ay kailangang pag-aralan mabuti lagi ang kanilang mga scheduled flights upang hindi malabag ang ipinapatupad na carrying capacity sa isla.

Ang naturang hakbang ay bahagi pa rin ng nagpapatuloy na rehabilitation effort sa isla kung saan, ang may mga bookings lamang sa mga accredited hotels and resorts ang pinapayagang makapasok.

Nabatid na ang Kalibo International Airport ay international gateway sa tanyag na tourist destination sa buong mundo, ang isla ng Boracay.