-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Kumakalap ng pondo ang Boracay Dragon Force team para sa tulong pinansiyal na ibibigay sa mga nasawi sa nangyaring trahedya sa pagtaob ng dragon boat na ikinamatay ng pitong miyembro nito.

Sa mensaheng ipinadala ni Remedy Regulacion Aquino, vice president ng koponan na kasalukuyang nagbabakasyon sa Amerika, nagsimula na ang kanilang fund raising activity sa nasabing bansa.

Sa loob aniya ng walong oras ay nakalikom na sila ng halos $1,255 o katumbas ng nasa P64,000 mula sa iba’t-ibang dragon boat federations sa buong bansa.

Ayon kay Aquino, ang malilikom na pondo ay ibibigay sa mga naulila ng mga nasawing paddlers bilang tulong pinansiyal kabilang na ang pangangailangan sa pagpapalibing.

Nabatid na pitong miyembro ng Dragon Force team ang namatay habang 14 ang nakaligtas sa pagtaob ng kanilang bangka habang nagsasanay sana para sa isang international competition sa Nobyembre sa Taiwan.