-- Advertisements --
boracay 11
Boracay island (photo courtesy from Bombo Ness Cayabyab-Mercado)

KALIBO, Aklan – Balak ng Department of Tourism (DOT) na gawing modelo ang isla ng Boracay sa muling pagbubukas ng operasyon ng turismo sa buong bansa.

Ayon kay Aklan Governor Florencio Miraflores, bumilib umano si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa paghahanda ng isla lalo na sa pagpapatupad ng health protocols at maayos na paglabas at pagpasok ng mga turista sa ginawang inspeksyon.

Sa ginawang pulong kahapon sa isang hotel sa Boracay, binigyan na ng green light ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) ang isla na tumanggap ng mga turista simula sa Hunyo 16, ngunit pawang mga taga-Western Visayas pa lang muna ang papayagan.

Dagdag pa ni Miraflores, maliban sa domestic tourists ay mangunguna rin aniya ang Boracay sa pagtanggap ng mga dayuhang turistang magmumula sa mga bansang “cleared” na sa coronavirus disease (COVID-19) dahil sa kakayahan ng Kalibo International Airport na tumanggap ng mga malalaking eroplano.

Sa kabila nito, hinikayat niya ang mga mamamayan na patuloy na maging maingat kahit na niluwagan na ang mga travel restrictions na layuning muling mapalakas ang sector ng turismo.