-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Hindi pa mabubuksan sa mga lokal na turista ang isla ng Boracay kahit isasailalim na sa general community quarantine ang Aklan simula bukas, Mayo 1.

Ayon kay Ibajay Mayor at League of Municipalities of the Philippines (LMP)-Aklan Chapter President Joen Miraflores, isa ang Boracay opening sa kanilang mga natalakay sa ipinatawag na pulong ng Provincial Inter-Agency Task Force na pinangunahan ni Governor Florencio Miraflores kasama ang ilang mga medical experts.

Malaki aniya ang posibilidad na bumuhos ang mga mamamayan sa isla dahil sa halos isang buwang pamamalagi sa loob ng kani-kanilang bahay.

Kahit umano ang mga excursion sa mga beaches ay hindi pa pinapayagan dahil bawal pa ang mass gatherings.

Nauna dito, sinabi ni Governor Miraflores na makikipag-ugnayan muna ito sa national IATF kung kailan papayagang muling mabuksan ang isla sa turismo.

Dagdag pa nito na nakabili na ang provincial government ng machine na kayang makagawa ng rapid test na maaring gamitin sa mga turista upang mapanatiling Covid-free ang Boracay.

Nabatid na bago ang COVID 19, lubhang naapektuhan ang mga hotel at resort owners sa pananalasa ng bagyong Ursula noong disyembre 2019 at ang anim na buwang pagsasara nito dahil sa environmental issues.