-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Tinanggalan ng Department of Tourism (DOT) ng akreditasyon at Certificate of Authority to Operate ang isang hotel na sinasabing pinagdausan ng “despedida” party para kay Bureau of Fire Protection (BFP) Regional Dir. F/SSupt. Roderick Aguto sa isla ng Boracay.

Mula sa siyam na hotel at resort na pinayagang mag-operate sa pagbubukas ng Boracay para sa mga turistang taga-Western Visayas simula noong Hunyo 16, nabawasan ito ng isa.

Paliwanag ng ahensya, ang akreditasyon ay isang pribilehiyong ibinibigay sa mga nararapat na tourism enterprise, ngunit maari nila itong bawiin kapag napatunayang hindi nakakasunod sa minimum standards para sa operasyon ng tourism facilities at services.

Habang hindi pa bukas ang isla para sa mga turista, pumasok ang 28 personnel ng BFP-6 sa Boracay sa pangunguna ni F/SSupt. Roderick Aguto noong Hunyo 12 at umalis noong Hunyo 14 nang malaman ang resulta ng RT PCR test ng babaeng bumbero na infected siya ng COVID-19.