-- Advertisements --

KALIBO, Aklan- Tiwala ang Boracay Inter-Agency Task Force na makompleto ang mga isinasagawang rehabilitation projects sa isla ng Boracay sa gitna ng pandemya dala ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Boracay na may mga balak na silang tulong sa lokal na pamahalaan ng Malay at sa nasabing ahensiya ng gobyerno sa pag-demolish sa iba pang mga istraktura lalo na sa wetland.

Maliban sa pagbawi sa mga wetlands, nagpapatuloy naman ang pagpapalawak ng kalsada, paglagay ng flood control, pagpapalawak ng sewerage at water systems.

Ilan pa sa mga prayoridad ng BIATF ay ang pagpapatupad sa 25-plus-five meter easement sa beach at 12-meter easement sa kalsada, regulasyon sa carrying capacity, environmental compliance monitoring sa quality ng tubig, at ang pagtapos sa construction ng kalsada gayundin ang drainage.

Maalalang pinalawig pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang termino ng task force hanggang sa Mayo 8, 2021.

Nadelay ng halos tatlong buwan ang rehabilitasyon dahil sa pandemya.

Hanggang Abril 2021 naman ang target ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) sa pagtatapos ng kanilang proyekto sa pagsasaayos ng drainage project.