KALIBO, Aklan — Muling kinilala ang Isla ng Boracay bilang pangatlong pinakamagandang isla sa Asya sa 2024 Condé Nast Traveler Readers’ Choice Awards.
Nasungkit nito ang score na 91.94 points na patunay na paborito itong destinasyon ng mga turista.
Kabilang ang iba pang tanyag na isla sa Pilipinas sa Top 10, gaya ng Palawan na nasa ika-anim na pwesto, Cebu at Visayan Islands sa pang-walo at Siargao sa ika-sampung spot.
Mahigit kalahating milyong travelers ang bumoto sa prestihiyosong survey na isinagawa ng Condé Nast Traveler, isang kilalang luxury at travel magazine.
Muling pinatunayan ng mga pagkilala na ang Pilipinas ay patuloy na nangunguna bilang top travel destination sa mundo.
Nabatid na sa huling datos ng Malay Tourism Office, kabuuang 121,975 ang tourist arrival sa isla ng Boracay sa buwan ng Setyembre.
Sa nasabing bilang, 100,497 ang domestic tourist; 1,010 ang overseas Filipinos at 20,468 naman ang foreign tourist.