KALIBO, Aklan—Ikinatuwa ng Malay Tourism Office ang pagkilala ng Cabin Zero, isang kilalang British company ng mga travelling bag, sa isla ng boracay bilang nangungunang “Best White Sand Beach in the World” ngayong taon.
Ayon kay Malay Tourism Officer Dr. Felix delos Santos, ang nasabing pagkilala ay nagpapakita lamang na nangungunang destinasyon sa mga travelers ang isla dahil sa beauty and charm nito lalo na ang maputi at pinong buhangin.
Ang Boracay ay nahanay sa No. 1 spot sa may pinakamagandang white sand beach sa buong mundo.
Naungusan nito ang iba pang sikat na white beach kabilang ang Whitehaven Beach sa Australia; Clearwater Beach sa Florida gayundin ang Carmel Beach sa California, Diani Beach sa Kenya, Varadero Beach sa Cuba, Grace Bay sa Turks and Caicos, Long Beach sa Phu Quoc, Vietnam, Palm Beach sa Aruba at ang pang-sampu ay ang Maya Beach sa Thailand.
Maliban sa scuba diving, snorkeling, windsurfing, kiteboarding, at cliff diving, dinadagsa rin ang Boracay dahil sa night life nito.
Sa kabilang dako, ang tourist arrivals mula Mayo 1 hanggang 31 ay umabot sa kabuuang 182,776.
Inaasahan na mas pang tataas ang nasabing bilang ngayong Hunyo dahil sa bakasyon ng mga estudyante .