-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Mayorya pa rin sa mga pumupuntang turista sa isla ng Boracay ay mula sa National Capital Region.

Ito ay sa kabila na isinailalim sa Alert Level 3 ang rehiyon at muling ini-require ang negatibong RT-PCR test result.

Sa ipinalabas na datos ng Malay Tourism Office, umaabot sa 28,060 ang tourist arrivals sa sikat na isla simula Enero 1 hanggang 16, 2022 , kung saan, 10,638 na bisita ang nagmula sa NCR.

Ito ay sa harap rin ng banta ng Omicron variant ng COVID 19.

Naitala ang mataas na bilang ng mga dumating na turista noong Enero 2 na may 4,104.

Simula Enero 1 hanggang 8, ang average na daily arrivals ay 2,000 hanggang 4,000, subalit pagdating ng Enero 9 hanggang 17 ay umaabot na lamang sa 200 hanggang 400.

Pumapangalawa sa mga turistang bumisita sa Boracay ay mula sa rehiyon ng Calabarzon na may 4,932 at sinundan ng Western Visayas na may 4,528.

Maliban sa RT-PCR test result na requirement sa pagbyahe, nagpatupad rin ng age restrictions, kung saan, bawal na makapasok sa isla ang 12 anyos pababa.