-- Advertisements --
Boracay 2
Boracay/ FB image

KALIBO, Aklan – Patuloy na maghihigpit ang lokal na pamahalaan ng Malay sa muling pagbubukas ng isla ng Boracay sa mga local tourist.

Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista na upang makasigurado na maiwasan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) infection, ipapatupad nila sa dry run sa Lunes, Hunyo 1 ang pag-fill-up ng mga turista sa health declaration checklists pagkatapos makunan ng body temperature.

Babantayan rin aniya ang magiging scenario sa pagpapatupad ng social distancing sa Caticlan at Cagban port gayundin sa dalawa pang pantalan na ginagamit kapag Habagat season sa pagpasok sa Boracay hanggang sa pagsakay sa sea at land transport.

Dagdag pa nito na obligado ang mga resort at hotel owner na kumuha muna ng authority to operate sa Department of Tourism upang makasiguro na nakakasunod ang mga ito sa inilatag na health protocols.

Pagkatapos umano ng Aklanon tourist, susunod na tatanggapin ang mga turistang magmumula sa Western Visayas at pagkatapos ay ang manggagaling sa iba pang bahagi ng bansa.

Pag-aaralan rin umano nila ang carrying capacity ng isla sa gitna ng pandemya.

Slow but sure aniya ang kanilang ginagawang paghahanda dahil kaunting pagkakamali lamang umano ay nagiging headlines na sa mga balita at viral sa social media basta isla ng Boracay ang pinag-uusapan.