KALIBO, Aklan—Ikinatuwa ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ang muling pagkilala sa isla ng Boracay bilang World’s Leading Luxury Island Destination sa World Travel Awards Grand Final Gala Ceremony na ginanap kamakailan lamang sa Savoy Palace, Madeira, Portugal.
Ang makasaysayang pagkilala ay kasunod sa nauna na nitong tagumpay bilang Asia’s Leading Luxury Island Destination sa Asia and Oceania Gala Ceremony sa City of Dreams, Maynila noong Setyembre 3, 2024.
Nilampasan ng Boracay ang mga kilalang nominado gaya ng Jersey, Mustique, St. Vincent and the Grenadines, at The Bahamas na lalo pang nagpatibay sa posisyon nito bilang nangungunang destinasyon para sa mga luxury travelers sa buong mundo.
Samantala, positibo parin ang LGU na maabot ang target tourist arrival na 2.1 milyon bago matapos ang kasa lukuyang taon.
Ito ay kahit na nakatala ng mababang tourist arrival sa mga nakaraang buwan ngunit hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asa na maabot ang nasabing bilang.
Ayon kay Kathrine Licerio, tagapagsalita ng Malay Tourism Office na hanggang Nobyembre 28 ay nakatala ang kanilang tanggapan ng 1,870,069 tourist arrival kung saan, kakailanganin pa ang mahigit sa 230,000 tourist upang maimarka ang target na 2.1 milyon sa pagtapos ng taon.
Upang maabot ang nasabing bilang ay kailangan ang nasa sa pitong libong turista na bibisita sa Boracay bawat araw at positibo sila na mangyayari ito ngayong buwan ng Disyembre sa panahon ng pasko.