-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Ikinatuwa at welcome sa Malay Municipal Tourism Office ang muling pagkasama sa Isla ng Boracay bilang isa sa world’s best islands ng isang travel publication.

Nagpang-lima ang Boracay bilang best island sa Asya ng Readers’ Choice Awards in 2023, isa sa mga sikat at pinagkakatiwalaang luxury and lifestyle travel magazine’s website na nakabase sa US.

Kasama sa listahan ang Bali, Indonesia; Phuket, Thailand; Koh Samui, Thailand at Maldives.

Nabatid na nag-iisa lamang ang Boracay mula sa Pilipinas na nakapasok sa talaan.

Ayon kay Felix delos Santos ng Malay Municipal Tourism Office na malaki ang kanilang pasasalamat sa mga natatanggap na international awards para sa Pilipinas na ibinatay sa opinyon at experience ng travelers mula sa buong mundo.

Sa kasalukuyan aniya ay patuloy ang pagdagsa ng mga turista sa Boracay at inaasahang lalo pang lolobo ngayong summer season.

Ang isla ay kilala sa maputi at pinong buhangin at malinis na tubig.

Kumpiyansa si delos Santos na makakatulong ang naturang panibagong award upang makahikayat ng dagdag na mga international tourists sa isla.