KALIBO, Aklan — Muling pinayagan ng lokal na pamahalaan ng Malay ang mga turista mula sa mga National Capital Region (NCR) at iba pang lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ).
Sa kalatas na ipinalabas ng Malay Tourism Office, inaabisuhan ang mga turista na makipag-ugnayan muna sa kani-kanilang airline companies kaugnay sa travel guidelines.
Obligado pa rin aniya ang mga turistang magpakita ng kanilang COVID-19 test results mula sa mga lisensiyadong laboratoryo 72 oras bago ang kanilang flight papuntang isla.
Maliban dito, kailangang may bitbit silang online health declaration card upang makakuha ng quick response (QR) code kasama ang confirmed hotel booking at anumang valid government identification cards sa kanilang pagdating sa Caticlan jetty port.
Ngayong tinanggal na umano ang ECQ sa NCR at mga kalapit na lalawigan, inaasahang muling bubuhos ang mga turista sa Boracay.