KALIBO, Aklan —- Naghahanda na ang mga hotel at resort sa isla ng Boracay sa muling pagbabalik ng mga dayuhang turista sa bansa.
Ayon kay Malay Tourism Officer Felix delos Santos, tuloy-tuloy ang kanilang pagpupulong kaugnay sa basic occupational safety and health para sa kaligtasan ng mga turista at komunidad.
Simula sa Pebrero 10, 2022, inalis na ang mga quarantine protocols sa mga fully vaccinated na foreign tourists at returning overseas Filipino na papasok sa Pilipinas, ngunit kailangang magpakita pa rin ng negatibong resulta ng RT-PCR test 48 oras bago ang pagbiyahe.
Kahit nakapalabas na umano ang national IATF ng guidelines, maaring bukas ng Martes, magpapalabas ng binalangkas na patakaran ang technical working group ng provincial government at LGU-Malay.
Batay aniya sa kanilang recovery and resiliency plan, kung walang mga dayuhang turista sa Boracay, mahirap ang kanilang muling pagbangon.
Dagdag pa ni delos Santos na nagpapatuloy ang pagbibigay ng booster shots laban sa COVID 19 sa mga tourism workers at residente ng Boracay upang muling mapalakas ang turismo at ekonomiya.
Mahigit sa 30,000 bakasyunista ang naitala sa isla ngayong Enero habang noong Disyembre ay may kabuuang 113,000 na arrivals.