-- Advertisements --

KALIBO, Aklan— Nananatiling ligtas na puntahan ng mga turista ang Boracay sa kabila ng ilang isyu na bumalot sa isla gaya na lamang sa muling paglitaw ng algae sa dalampasigan at ang pagkasawi ng Slovak tourist.

Dahil sa nalalapit na summer vacation, tiniyak ng Aklan Police Provincial Office ang kaligtasan ng mga turista, bakasyunista at bisita na gustong magrelax at mag-enjoy sa puti’t pinong buhangin gayundin sa asul at mala-kristal na tubig-dagat.

Ayon kay P/Capt. Aubrey Ayon, tagapagsalita ng Aklan PPO na walang dapat na ikabahala ang lahat dahil sa pinaigting na seguridad at police visibility lalo na sa mga itinuturing na strategic areas.

Umaasa sila na hindi makaapekto sa tourist arrival at kabuuang imahe ng Boracay ang maituring na isolated case dahil sa ginagawa ng pulisya ang lahat para mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa isla at mainland Malay, Aklan.

Sa kabilang dako, nakibahagi ang lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan sa Europe Asia Alliance (EAA) Annual Global Meeting na ginanap sa isang high-end resort sa isla.

Ang Europe Asia Alliance ay may nasa 90 miyembro mula sa mahigit 80 bansa na isang prestihiyosong internasyonal na network sa freight logistics na naglalayong palakasin ang koneksyon sa buong mundo.

Layunin nito na maitaguyod na manatili ang Boracay bilang world-class destination para sa internasyonal na mga pagpupulong at kolaborasyon.