-- Advertisements --

Nanatiling ligtas ang Boracay bilang destinasyon para sa mga turista sa kabila ng pagkakadiskubre ng bangkay ni Michaela Mickova, 23-taong-gulang na Slovak tourist na iniulat na nawawala noong nakaraang linggo, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Si Mickova ay huling nakita noong Martes, at natagpuan ang kanyang katawan kinabukasan sa isang lugar sa likod ng beachfront, malapit sa isang abandunadong chapel.

Itinuturing ng mga awtoridad na ang pagkawala at pagkamatay ni Mickova ay isang isolated case.

Tiniyak naman ni Police Brig. Gen. Jack Wanky, Direktor ng Police Regional Office 6, sa isang panayam na ang Boracay ay nananatiling ligtas.

Ayon rito nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang hinihinalang suspek, ito ay dahil sa isang hiwalay na operasyon ng pagbebenta umano ng droga.

Samantala patuloy naman ang paghahanap ng mga awtoridad sa iba pang mga kasangkot na huling nakasama ni Mickova.

Kasalukuyan nang binubuo ng mga pulisya ang kaso para sa posibleng paghahain ng mga kaso sa korte.

Binigyang-diin ni Gen. Wanky na ang pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa Boracay ay napakahalaga, dahil ang anumang insidente aniya na may kinalaman sa kapayapaan at kaayusan ay may malaking epekto sa turismo.

Bilang tugon nag-alok ang mga stakeholder sa isla ng gantimpalang P500,000 para sa kinaroroonan ng mga suspek.

Nabatid na si Mickova ay dumating sa Pilipinas upang dumalo sa kasal ng kanyang kaibigan. Ayon sa pulisya, maaaring siya ay pinag-nakawan dahil nawawala umano ang isang belt bag na naglalaman ng kanyang camera at mobile phone nito.

Batay naman sa autopsy ni Mickova maaaring nakaranas din umano ito ng pang-aabuso.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad at nakatuon sa paghahanap ng hustisya para sa biktima.