-- Advertisements --

KALIBO, Aklan–Pasok sa unang pwesto sa listahan ng “10 Stunning Beaches in Asia for 2025” ng NDTV, isa sa pinakatanyag na website sa India ang isla ng Boracay kung saan, muling pinatunayan nito ang pagiging world-class na destinasyon na minamahal ng mga manlalakbay mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ang natatanging ganda ng Boracay ay patuloy na kumukuha ng atensyon at puso ng mga bisita na ginagawa itong isang di-malilimutang karanasan sa bawat pagbisita at nagpapakita ng mas matatag na turismo para sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya ng lalawigan ng Aklan.

Kaugnay nito, patunay dito ang pananatili ng libo-libong tourist arrival sa loob lamang ng dalawang lingo sa buwan ng Marso kung saan, nakatala ang Malay Tourism Office ng kabuuang 82,156 tourist na bumisita sa Boracay mula March 1-15, 2025.

Sa nasabing bilang, 64,615 dito ang domestic; 1,047 ang overseas Filipino’s habang 16,494 naman ang foreign tourist.

Sa kabilang dako, muling iginiit ni P/Capt. Aubrey Ayon, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office ang mahigpit na pagpapatupad ng seguridad sa Boracay upang matiyak ang syento porsyento na kaligtasan ng lahat.

Wala aniyang dapat na ikabahala ang mga turista, bakasyunista at mga bisita dahil sa nananatiling ligtas na pamasyalan at bakasyunan ang buong isla ng Boracay.