KALIBO, Aklan – Nananawagan ang ilang barangay officials sa Bureau of Immigration (BI) na gumawa ng kaukulang aksyon upang mahinto ang pagkalat ng mga dayuhan lalo na ang mga Chinese na sinasabing nagtatrabaho bilang sidewalk vendors sa isla ng Boracay.
Ito ay kasunod ng crackdown operation ng Boracay Inter-Agency Task Force at LGU-Malay sa mga establisimentong pagmamay-ari ng mga dayuhan na walang kaukulang permit.
Sinasabing karamihan sa mga dayuhan ay nagtitinda sa arrival area sa isla ng mga swimsuits at mga RTW na damit.
Maliban dito, ilang mga dayuhan rin ang naispatang nagtatrabaho sa construction site sa ginagawang commercial building sa Boracay, kung saan, sinasabing bihasa ang mga ito sa paglalagay ng floor tiles, electrical wires, water pipes at iba pa.
Gusto ng mga barangay officials na maaresto at mapa-deport ang mga sinasabing undocumented alien sa isla.