KALIBO, Aklan—Muling nakasungkit ng pwesto ang isla ng Boracay matapos na kinilala ng international travel magazine na Travel + Leisure na ika-13 sa listahan ng 15 Best White-Sand Beaches Around the World at sinabing isang “picture-perfect oasis” na puno ng mga puno ng niyog, bar, hotel, at iba pang pasyalan.
Kaugnay nito, mas lalo pang na-motivate ang tourism office ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan sa puspusang paghihikayat sa mga turista at bakasyunista na ilagay sa kanilang bucket list ang isla ng Boracay sa summer season lalo na’t dinagdagan ang carrying capacity na tatawid sa isla mula sa 6,500 patungo sa 8,500 daily tourist.
Ayon Kathrine Licerio, tagapagsalita ng Malay Tourism Office, masusing pinag-aralan ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang naging desisyon na taasan ang daily carrying capacity kung saan, positibo naman ang mga ito na sasapat ang mga accredited accommodation establishments na tatanggap sa libo-libong mga bisita.
Target aniya ang 2.3 milyon tourist arrival ngayong 2025 kung kaya’t kaliwa’t kanan ang kanilang ginagawang promotion at walang pinalalampas na imbitasyon mula sa iba’t ibang stakeholders at tourism expo upang ipakilala ang Boracay at iba pang natatanging experience na maialok sa mga turista.
Sa kasalukuyan, nakatala na ang kanilang tanggapan ng kabuuang 406,483 tourist arrival mula Enero hanggang Marso 6 kung saan, sa nasabing bilang ay 107,352 dito ang foreign tourist; 290,825 naman ang domestic at 8,306 ang overseas Filipinos nga mga turista.
Nananatiling dinomina ng domestic ang tourist arrival sa Boracay mula sa umaabot na 5,300 daily tourist arrival na inaasahang dodoble ang bilang habang papalapit ang summer seaon.