KALIBO, Aklan – Panalo ang isla ng Boracay sa prestihiyosong Japan Tourism Awards bilang pagkilala sa ginawang hakbang ng pamahalaan nang isailalim sa anim na buwang paglilinis at rehabilitasyon ang isla.
Si Department of Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat ang tumanggap ng Excellent Partner Award sa isinagawang opening ceremony ng Tourism Expo Japan sa isang hotel sa Osaka.
Naging basehan ng award-giving body ang aktibong partisipasyon ng Boracay Inter-Agency Task Force na pinangungunahan ng DoT, Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa ginawang rehabilitasyon upang maibalik ang dating kagandahan ng isla at pagresolba sa problema sa polusyon.
Labis ang tuwa ng task force dahil kahit umano nagpapatuloy pa ang rehabilitasyon sa isla lalo na sa road widening at paglalagay ng drainage ag sewerage system ay nakikita na ang naging bunga nito.