KALIBO, Aklan – Kinumpirma ng Malay Tourism Office na lima lamang ang turistang nagtungo sa Boracay sa reopening nito kahapon, June 16.
Hapon na kahapon nang nakapagtala ang mga tauhan ng Caticlan Jetty Port ng bisitang pumasok sa isla na kinabibilangan ng dalawang babae at tatlong lalaki na pawang nagmula sa bayan ng New Washington sa Aklan.
Sa kasalukuyan ay walong hotel pa lamang sa Boracay ang nabigyan ng Certificate of Authority to Operate ng Department of Tourism na kinabibilangan ng Shangri-La, Coast Boracay Isles, tatlong hotel ng Hennan, Paradise Garden, Hue Hotel at Seawind.
Sa pagpasok sa pantalan, kailangang magpakita ng identification card bilang pruweba na ang mga bisita ay nakatira sa Western Visayas. Kasama rin ang booking sa otorisadong hotel na kanilang tutuluyan.
Kasama pa sa inaalam kung may travel history sila sa labas ng Western Visayas.
Bawal din na makapasok sa isla ang mga turistang may edad 21 pababa at mga senior citizens.
Pinapayagan ang “swimming time” simula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi sa mga itinalagang lugar.
Samantala, dismayado ang mga opisyal sa Aklan dahil imbes na bigyang pansin ang reopening ng isla para sa mga regional tourist ay naging abala ang mga otoridad sa pagsasagawa ng contact tracing sa maaring mga nakasalamuha ng babaeng personnel ng Bureau of Fire Protection-Region 6 na positibo pala sa Coronavirus Disease 2019.