KALIBO, Aklan – Nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Malay na nananatiling sarado ang isla ng Boracay para sa mga turistang mula sa NCR plus o National Capital Region, Rizal, Bulacan, Cavite, at Laguna habang nasa ilalim pa ang mga ito sa modified enhanced community quarantine status hanggang sa Abril 30.
Dahil dito, sinabi Malay Mayor Frolibar Bautista na nananatiling mababa ang tourist arrivals sa isla ngayong buwan ng Abril.
Batay sa datos ng Malay Tourism Office, simula Abril 1 hanggang 25, nakapagtala lamang ng 1,217 na turista na karamihan ay mga Aklanon at iba pang taga-Western Visayas.
Dagdag pa nito na hinihintay nila ngayon ang magiging anunsyo ni Pangulong Duterte kaugnay sa quarantine status para sa NCR-plus.
Kahit kontrolado na ang kaso ng COVID-19 sa Boracay, bawal pa rin ang operasyon ng mga bars sa buong isla kasama ang mga restaurants at food parks na nagsasagawa ng live shows gayundin ang operasyon ng mga sabungan at non-essential gatherings.
Nananatili pa rin ang curfew hours na alas-11:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.