KALIBO, Aklan – Tatangkain ng Aklan provincial government na buksan sa domestic tourist ang Boracay sa susunod na buwan.
Ayon kay Malay acting mayor Frolibar Bautista, batay ito sa inisyal na napagkasunduan sa pulong na ipinatawag ni Aklan Governor Florencio Miraflores upang unti-unting buhayin ang industriya ng turismo na may malaking ambag sa ekonomiya ng lalawigan.
Gayunpaman, nakadepende pa rin ito sa magiging assessment at rekomendasyon ng Boracay Inter Agency Task Force na binubuo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno partikular ng Department of Tourism (DOT), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Interior and Local Government (DILG).
Ang tiyak sa ngayon ay hindi papayagan na makapasok sa isla ang mga walk in tourist dahil 50 porsyentong bisita lamang ang maaaring ma-accommodate ng mga DOT- accredited hotels and resorts upang masunod ang health protocols laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Samantala, inaasahan umano ngayong araw ang pagdating sa Boracay nina Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, DENR Secretary Roy Cimatu at DILG Secretary Eduardo Año.
Ito ay upang i-assess ang isinagawang dry run gayundin upang malaman ang kahandaan ng isla sa muling pagtanggap nito ng mga bisita makalipas ang ilang buwan na pamamahinga dulot ng COVID-19 pandemic.