KALIBO, Aklan— Umapela ng pang-unawa sa mga residente, motorista at turista ang Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) kasunod ng nagpapatuloy na rehabilitation at infrastructure projects partikular ang improvement ng main road mula sa Manoc-Manoc papuntang Yapak na nagdudulot ng abala sa mga ito.
Ayon kay Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group (BIARMG) general manager Natividad Bernandino, kahit patuloy umano ang pagbuhos ng ulan ay kailangang ipatuloy ang construction sa isla na kinabibilangan ng Phase 2 road improvement mula sa Elizalde property sa Balabag papuntang Tambisaan port.
Aniya, hindi kaya ng mga tao ang overnight rehabilitation ng mga kalsada kaya kailangang magtiis muna ang mga naapektuhan ng rehabilitation.
Inaasahang matatapos ang road rehabilitation sa taon 2020.
Una rito, ikinatuwa ng Inter-agency ang pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa P25-bilyong medium term Boracay Action Plan (BAP) para sa nagpapatuloy na rehabilitation sa naturang isla.
Ang nasabing halaga ay gagamitin sa itinakdang thematic areas sa enforcement of laws; rehabilitation; recovery at environmental protection.
Samantala, ang P4-milyon na bahagi ng P25-bilyon ay kasalukuyang ginagamit ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) sa infrastructure; Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa social services; Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa environment at recovery ng wetlands at maging ang lokal na gobyerno ng Malay, Aklan.