CENTRAL MINDANAO – Hinigpitan pa ng lokal na pamahalaan ng Carmen, North Cotabato ang kanilang mga border checkpoint.
Sinabi ni Carmen Mayor Moises Arendain na nais niyang matiyak na hindi makakapasok sa bayan at agad mapipigilan ang ilang mga residente na umuwi ng probinsya na galing sa mga hotspot area sa bansa ng coronavirus disease.
Dahil holiday season at papalapit na ang araw ng pasko at bagong taon, marami ang umuuwi mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Lahat ng mga locally stranded inviduals (LSIs) at returning overseas Filipinos (ROFs) ay kailangan na dumaan sa pinaiiral na health protocols.
Ipinaalala din ang patuloy na pagsunod sa health protocols, mahigpit na paalaala ng Carmen IATF sa mamamayan sa panahon ng selebrasyon ng kapaskuhan at bagong taon
Sa pagpupulong ng local COVID-19 IATF ay napagkasunduang lalo pang paiigtingin ang kampanya para makaiwas sa local transmission ng COVID-19.
Ito ay dahil ngayong panahon ay ‘di maiiwasan ang mga pagtitipon para sa pagdiriwang ng pasko, family reunion at pagsalubong ng bagong taon.
Pinaalalahanan naman ng IATF ang Carmenians na bawal parin ang malakihang pagtitipon dahil nananatili pa rin ang lugar sa MGCQ status.
Samantala, ipinapanawagan din sa lahat ng sekta ng relihiyon sa bayan na panatilihin ang hindi lalagpas sa 50% kapasidad ng bawat simbahan tuwing may misa at/o misa de gallo, church services at iba pang aktibidad para mapanatili ang social distancing, at ang paghihikayat sa bawat miyembro ang pagsusuot ng mask at face shield at palagiang paghuhugas ng kamay at paggamit ng alcohol o hand sanitizer.
Bilang chairperson ng local task force, suportado ng alkalde Mayor Moises Arendain ang hakbanging na ito.