CENTRAL MINDANAO – Naghigpit pa ang mga frontliners sa pagbabantay sa mga border checkpoint sa probinsya ng Cotabato kontra Coronavirus Disease (COVID-19).
Ito mismo ang kinumpirma ni Carmen, Cotabato Mayor Moises “Bong” Arendain.
May ilang mga residente sa probinsya ng Cotabato mula sa ibang lugar ang nais lumusot sa mga border checkpoint ngunit nahaharang sila ng mga pulis, sundalo at mga frontliners.
Agad isinailalim sa 14 day quarantine ang mga nahuli sa COVID checkpoint sa mga isolation facility sa bayan ng Carmen lalo na ang mga nagmula sa mga lugar na marami ang nagpositibo sa nakakahawang sakit.
Bago lang ay ininpeksyon ni Cotabato Vice-Governor Emmylou”Lala”Taliño Mendoza ang Carmen Level 1 hospital at Carmen isolation center kasama sina Board Member Rosalie”Rose”Cabaya, Board Member Neneng Macasarte Villanueva, Mayor Moises Arendain, Councilor Dra Anathy Naquitquitan at mga RHU officers para masiguro na kompleto ang mga gamit ng pagamutan at isolation facility kung sakali na may magpositibo sa COVID.
Nagpasalamat naman si Mayor Arendain sa mga Frontliners na araw-araw at gabi-gabi ay nagbabantay sa mga checkpoint.
Samantala, tuloy-tuloy rin na namahagi ng tulong ang LGU-Carmen katuwang ang DSWD sa mga pamilya na grabeng naapektuhan sa krisis dulot ng pandemic.
Mahigpit rin ang kautusan ni Mayor Arendain, Vice-Mayor Roger Ryan Taliño at mga SB members sa umiiral na mga alituntunin kontra COVID kagaya ng paggamit ng facemask, pagpapatupad ng social distancing, disinfection spray, paghuhugas ng kamay at iba pa.
Pinalakas din ang ugnayan ng LGU-Carmen sa Task Force Sagip sa mga residente ng bayan mula sa ibang lugar na gustong umuwi sa probinsya.
Sa ngayon nananatiling COVID-19 free ang bayan ng Carmen, Cotabato.