LEGAZPI CITY – Tiniyak ng pamahalaang panlalawigan ng Albay na mananatiling sarado ang borders ng lalawigan anuman ang maging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kung papalawigin o luluwagan ang community quarantine protocols matapos ang Mayo 15.
Sinabi ni Danny Garcia, tagapagsalita ni Albay Governor Al Francis Bichara sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, aminado itong marami na rin ang nais na sumailalim sa General Community Quarantine upang paunti-unti nang makabalik sa operasyon ang ilang negosyo.
Kahit papaano aniya, mabibigyan na ng trabaho ang ilan sa mga kababayan at paunti-unti nang makakabawi sa pagkalugi.
Nabatid na karamihan sa mga naitatalang coronavirus cases ang mula sa bayan ng Daraga at Legazpi City habang may ilang bayan na nananatiling COVID-19 free.
Nilinaw naman ni Garcia na bawal pumasok ang mga hindi sumailalim sa 14-day quarantine sa labas ng lalawigan at pitong araw na additional quarantine sa ilalim ng local government unit.
Sa mga nais namang magtransact sa regional center sa Legazpi, payo ni Garcia na maghanap ng ibang platform.
Una nang pinalawig ang pagpapatupad ng ECQ sa lalawigan dahil sa mataas na bilang ng mga naitatalang kumpirmadong kaso ng COVID-19.