KALIBO, Aklan — Pansamantalang isinara ng German government ang kanilang border sa limang katabing bansa bilang bahagi ng hakbang upang mapigil ang lalo pang pagkalat ng coronavirus disease sa naturang bansa.
Ayon kay Bombo international correspondent Ma-Ann Lachica, tubong Nabas, Aklan at kasalukuyang naninirahan sa Worpswede, Germany na sarado na ang border controls para sa Austria, France, Switzerland, Luxembourg at Denmark.
Pinapayagan lamang makalusot sa border ang mga cargo.
Isang rehiyon pa lamang aniya sa naturang bansa ang isinailalim sa lockdown dahil sa tumataas na kaso ng sakit.
Dagdag pa ni Lachica na kahit apektado umano ang mga residente at manggagawa dahil karamihan sa mga kompaniya sa Germany ay nagpapatupad ng “no work , no pay” lalo na sa mga part-timer, subalit may subsidy na ibinibigay ang gobyerno.
Sa kasalukuyan ay tumataas umano ang bilang ng mga namamatay dahil kumalat na ang sakit sa mga matatanda.