-- Advertisements --

Na-cite in contempt ng isang Senate panel ang sinasabing “boss” ng corruption scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at tatlong iba pang sangkot na dating opisyal ng Bureau of Immigration (BI).

Kinilala ang mga ito na sina dating Bureau of Immigration Deputy Commissioner Marc Red Mariñas; dating Immigration Special Operations Communications Unit head Maynardo Mariñas; at mga Immigration personnel na sina Totoy Magbuhos at Daniece Binsol.

Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, nabigo kasi ang mga ito na dumalo sa imbestigasyon ng mataas na Kapulungan kahit nakatanggap na ang mga ito ng subpoena.

“Para sa mga implicated na akala niyo puwede niyong ismall-in ang investigation ng Committee na ito, nagkakamali kayo,” wika ni Hontiveros.

“I request the Sergeant-at-Arms of the Senate to present you before the Committee next hearing,” dagdag nito.

Sa ilalim ng Senate rules, ang mga na-cite in contempt ay maaaring idetine ng Sergeant-at-Arms ng upper house para siguruhing dadalo ito sa pagdinig.

Una nang nagsumite ng liham si Atty. Joel Ferrer sa komite para i-excuse ang mag-amang Mariñas na dumalo sa lupon, ngunit hindi natalakay ang rason ng kanilang pagliban sa hearing.

Ang apat na dating Immigration officials ay ipinatawag sa Senado matapos bansagan ng whistleblowers na sina Alex Chiong at Jeffrey Dale Ignacio na mga “boss” ng pangingikil sa NAIA.