Muling bumuhos ang pagbati sa Boston Celtics matapos nilang talunin sa ikalawang sunod na pagkakataon ang Dallas Mavericks , 105 – 98.
Nagawa ng Boston na padapain ang Dallas sa pamamagitan ng impresibong performance ng buong team sa pangunguna ng point guard na si Jrue Holiday na kumamada ng 26 big points at 11 rebounds.
Muli ring nagpakita ng all-around performance ang power forward na si Jayson Tatum. Ibinabad si Tatum ng 45 mins at naglabas ito ng 18 points, 12 assists, at 9 rebounds. Nag-ambag din ng 21 points at 7 assists si Jaylen Brown.
Hindi naging sapat ang 32pt, 11 rebs, 11 assts triple-double performance ni Luka Doncic para patumbahin ang Boston. Limang player din ng Dallas ang nag-ambagan ng double-digit points kasama ang 16 points ni Kyrie Irving at 17 kay PJ Washington.
Sa unang quarter ng laro, agad nagpakita ng magandang shooting performance ang Dallas at umiskor ng 28 points habang 25 lamang ang ganti ng Boston.
Pinilit naman ng Boston na ungusan ang Mavs sa 2nd quarter at ipinasok ang 29 points habang nalimitahan sa 23 points ang Mavs. Sa pagtatapos ng 1st half, hawak na ng Boston ang 3-pt lead, 54 – 51.
Pagpasok ng 3rd quarter, lumaki pa ang kalamangan ng Boston laban sa Dallas na umabot ng 9 pts.
Hindi pa rin nawalan ng pag-asa ang Dallas at pinilit na bumawi sa huling quarter ng laro, gamit ang magandang opensa sa pangunguna ni Luka.
Pagpasok kasi ng clutch time, hawak na ng Boston ang lead, 103 – 89, ngunit pinilit ng Dallas na ungusan ito.
Gamit ang 9 – 0 run ay ibinaba ng Dallas ang kalamangan sa kanila ng Boston sa 103 – 98, kasabay ng pagpasok ng huling minuto ng laro.
Gayonpaman, hindi na rin hinayaan ng Boston na makagawa muli ng panibagong run ang rumaragasang Mavs at tinapos ang laro sa 105-98, gamit ang magandang depensa.
Agad namang bumuhos ang pagbati mula sa mundo ng NBA para sa Boston Celtics, kasunod ng ikalawang panalo ng kooponan laban sa Mavs na pinamumunuan nina LukaMagic at 1-time NBA Champion Kyrie Irving.
Balik naman ang laban sa homecourt ng Dallas sa June 13 para sa Game 3. (Bombo Genesis Racho)